Tinawag na ‘deadliest week’ ng isang obispo ng simbahang Katolika ang nakalipas na linggo matapos maitala ang mataas na bilang ng napatay kaugnay sa kampanya ng pamahalaan kontra sa iligal na droga.
Ayon kay Malolos Bulacan Bishop Jose Oliveros, naka-aalarma ang nasabing mataas na bilang kung saan umabot ng 32 ang nasawi sa Bulacan, 26 sa Maynila at ang pagkakapatay sa menor de edad na si Kian Loyd Delos Santos sa Caloocan City.
Sinabi pa ni Oliveros na hindi niya maintindihan kung saan nanggagaling ang motibasyon ng mga pulis para pumatay o nagpapasikat lamang sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi aniya katanggap – tanggap ang patuloy na pagtaas ng kaso ng extra judicial killings (EJK’s) sa bansa.
Kasabay nito nanawagan ang simbahang Katolika na sa halip na ituring na krimen ang drug addiction ay mas maiging tutukan ang mga rehabilitation program para sa mga lulong sa iligal na droga.