Nabunyag ang di umano’y pagkakaroon ng bayaran kapalit ang kalayaan ng construction worker na si Edmund Ramos sa kamay ng bandidong Abu Sayyaf.
Batay sa salaysay mismo ni Ramos, nilinlang nila ang mga bandido sa pagbabayad ng ransom ngunit hindi naman idinetalye kung magkano ang kanilang ibinayad.
Ngunit sinabi ni Ramos na kalahati lamang sa kabuuang halaga ang tunay na pera ngunit ang nalalabing kalahati ay peke o puro papel umano na ipina-ilalim sa mga tunay na pera.
Inamin pa ni Ramos na pinalabas din nila noon na sasanib sila sa Abu Sayyaf ngunit ginawa lamang nila iyon upang hindi sila saktan ng mga dumukot sa kanila.
Magugunitang nakatakas si Ramos sa kamay ng mga bandido at nasagip ng militar sa paligid ng Tapian-Tana Island sa lalawigan ng Sulu, madaling araw kahapon.