Ipinaliwanag ng Department of Foreign Affairs na itinaon sa panahon ng Semana Santa ang State Visit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Saudi Arabia, Bahrain, at Qatar dahil ito lamang ang pagkakataon na nagtugma ang schedule ng Pangulo at ng kanyang counterparts sa nasabing tatlong bansa.
Sinabi ni DFA Assistant Secretary for Middle East and African Affairs na si Jayceelyn Quintana, may mga apat na petsa at pagkakataong na nagtangka ang DFA na itakda ang pagpupulong, ngunit April 10 hanggang 16 lang ang umubra para sa state visits ng Presidente.
Sinabi ni Quintana na maraming naganap na konsultasyon subalit parehong hindi angkop ang schedules ng mga kakausaping lider hanggang sa umabot na ito sa buwan ng Abril.
Nataon ang biyahe ni Pangulong Duterte sa Middle East sa panahon ng Semana Santa kung kailan nagpapahinga o nagtitika ang karamihan sa mga Pilipino sa mga nabanggit na araw.
By: Avee Devierte / Aileen Taliping