Naglunsad na ng imbestigasyon ang Department Of Health – CALABARZON hinggil sa mga nakatenggang bangkay sa isang bahagi ng Quezon Medical Center sa Lucena City.
Kinumpirma ito ni DOH – CALABARZON Director Eduardo Janairo at sinabing nais ng karamihan sa mga kaanak ng namamatay sa covid- 19 ay ma-cremate ang bangkay ng mga ito.
Gayunman, dahil sa kakulangan ng crematorium sa lalawigan ay pwede rin aniyang ilagay sa body bag ang mga bangkay gayundin ang ataol na paglalagakan sa mga ito bago ilibing.
Ang nasabing ospital ay pinamamahalaan ni Dr. Rolando Padre kung saan itinuro niya ang DILG at Local Government Unit bilang responsible sa mga bangkay.
Sinabi naman ni Gov. Danilo Suarez na hindi naman nila inaasahan ang pagdagsa ng mga patay sa ospital maging ang pagdami ng bilang ng mga namamatay sa virus araw-araw sa kanilang lalawigan.—sa panulat ni Hyacinth Ludivico