Pinabibilisan ni Senador Sherwin Gatchalian ang paglilipat ng mahigit 60k poste ng kuryente na sagabal sa mga pinalapad na mga kalsada sa bansa.
Sinabi ni Gatchalian na nasasayang ang road widening projects dahil sa mga naturang poste ng kuryente.
Iginiit ni Gatchalian na noon pang 2019 dapat natanggal ang mga naturang poste dahil napondohan na ng P3.78-B ang relokasyon ng mga ito.
Sa halip na mapaluwag ang mga kalsada inihayag ni Gatchalian na naging parking lot ang pinalapad na mga kalsada at nagsilbing marker ang mga poste para sa pagparada ng mga sasakyan.
Tugon naman ng DPWH, naantala ang paglilipat ng mga poste dahil sa mga ipinatupad na quarantine na dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa bilang ng DPWH, 24k na lang ang electric posts na nasa gitna ng road widening projects at kakayanin anitong ilipat sa susunod na taon ng mga electric cooperative na may-ari ng mga naturang poste.