Ikinatuwa ng Malakanyang ang natanggap na net satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pinaka huling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ito’y bagama’t bahagyang bumaba ng 10 puntos ang nakuhang satisfaction rating ng Pangulo.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na normal lamang na bumaba ang rating ng isang nakaupong Pangulo sa huling taon ng kaniyang panunungkulan.
Ngunit ani Roque, nakakuha pa rin ng “very good” na rating si Pangulong Duterte.
Lumalabas umano na ang punong ehekutibo ang nakakuha ng pinakamataas na satisfaction rating sa lahat ng naging presidente sa Pilipinas, siyam na buwan bago matapos ang kaniyang termino.
Batay sa SWS survey, nakakuha ng 52% na net satisfaction rating si Pangulong Duterte noong Setyembre kung saan 10 puntos itong mas mababa kumpara sa 62% na nakuha ng pangulo noong Hunyo 2021. —sa ulat ni Jenny Valencia-Burgos
(Patrol 29), sa panulat ni Hya Ludivico