Tila nananaginip lamang si Communist Party of Philippines Founder Jose Maria Sison.
Ito ang reaksyon ng Malakanyang sa pahayag ni Sison na hindi matatapos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang termino at mapapatalsik ito sa pwesto.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa sobrang tagal na ni Sison na namumuhay sa ibang bansa, hindi na nito alam ang kasalukuyang sitwasyon sa bansa.
Dagdag pa ni Roque, mananatili na lamang panaginip ang banta ni Sison na mapatalsik ang gobyerno ng Pilipinas na tumagal na aniya ng halos 60 taon pero hindi pa rin nagtatagumpay.
Isinisi rin ni Roque kay Sison ang pagkakaudlot ng usapang pangkapayaan dahil sa pag-ayaw nito.
Kasabay nito, hinamon ni Roque si Sison na umuwi ng bansa at tumulong sa pamahalaan na bumuo ng isang komportableng bayan para sa lahat.
“Hindi ka pupwede magtalsik ng gobyerno habang ika’y nasa Europa. Napakatagal mo na diyan. Umuwi ka rito at ika’y mamuhay sa Pilipinas nang sa makita mo, iba na ang kondisyon..yung mga pinapanaginip mo na mangyayari. Napakaganda na ng ekonomiya ng bansa bagamat meron paring kahirapan, napakadami nang naka-ahon sa mahirap. Palibhasa napakatagal mo nang nagpapasasa diyan sa ibang lugar, hindi mo na alam ang kondisyon dito sa Pilipinas. At yang sinabi niyang hindi na matatapos ang termino, unang una, nanaginip nga kasi saisenta anyos na nagbabantang patalsikin ng CPP-NPA ang gobyerno hindi nangyayari.”