Malaking bagay ang makatanggap ng academic scholarship, kung kaya nga labis itong pinaghihirapan ng ibang estudyante. Pero ang lalaking ito mula sa Bukidnon, nakakuha ng royal scholarship sa ibang bansa matapos patulan ang isang biro.
Kumusta na kaya ngayon ang masipag na estudyante? Alamin ang kaniyang kwento.
Kasagsagan ng COVID-19 pandemic matapos grumaduate ni Angelo Fernandez Virgo sa senior high school sa Central Mindanao University o MSU nang pabiro siyang i-tag ng kaniyang kaibigan sa isang post tungkol sa royal scholarship for asean students.
Pinost daw ng isang professor mula sa MSU ang link kung saan makikita na nag-o-offer ng full scholarship sa Engineering at Technology courses ang Suranaree University of Technology o SUT na mayroong memorandum of understanding sa MSU noon.
Mayroon nang inaasahang scholarship si Angelo mula sa Department of Science and Technology o DOST para sa pag-aaral niya ng college sa Bukidnon pero napaisip si Angelo na subukang mag-apply sa royal Thai scholarship.
Matagumpay na naipasa ni Angelo ang mga exams, requirements, at interviews kung kaya napabilang siya sa mga estudyante na nakatanggap ng scholarship. Dahil dito, natupad ni Angelo ang pangarap niya na mag-take ng civil engineering course.
Sa pamamagitan ng financial help mula sa kaniyang mga kaibigan, sponsors, at mentors, natuloy si Angelo sa Thailand para sa isang once in a lifetime opportunity.
Hindi raw naging madali ang mga unang buwan ni Angelo dahil humarap siya sa mga challenges katulad ng language barrier at homesick, pero nagawa niya itong lampasan sa tulong ng mga kasama niyang Filipino scholars.
Nitong nakaraang buwan lang, matagumpay na nakapagtapos si Angelo ng college sa tulong ng scholarship na inendorso mismo ng royal family ng Thailand na si Princess Maha Chakri Sirindhorn.
Bukod pa riyan, nabigyan ulit ng isa pang scholarship si angelo na One Research One Grant o OROG para sa Master of Engineering na siya ang pinakaunang Filipino recipient.
Ikaw, handa ka rin bang sumugal sa ibang bansa at harapin ang kalakip nitong challlenges para sa mas magandang kinabukasan?