Kapwa ikinalungkot nila Defense Sec. Delfin Lorenzana at DILG Sec. Eduardo Año ang kalunos – lunos na sinapit ng apat na sundalong napatay ng mga pulis sa Jolo, Sulu.
Ito’y matapos na sumiklab ang engkuwentro sa pagitan ng dalawang panig matapos sitahin ng mga pulis ang apat na sundalong nakasibilyan at nakasakay sa isang SUV sa Sitio Marina, Brgy Walled City.
Ayon kay Lorenzana, very unfortunate ang pangyayari kaya’t ninais nilang hilingin ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang insidente.
Para naman kay Año, pinasisinop niya kay PNP Chief P/Gen. Archie Gamboa ang mga nasasangkot na pulis sa insidente habang gumugulong ang imbestigasyon upang maiwasang magkaroon ng whitewash sa nangyari.
Nagkakaisa ang dalawang kalihim na kailangang may managot sa nangyari subalit hayaan na lang munang gumulong ang imbestigasyon upang malaman ang puno’t dulo kung bakit ito nangyari.