Pinaiimbestigahan ni Manila City Mayor Isko Moreno ang umano’y hindi awtorisadong pagbabakuna kontra COVID-19 sa Binondo.
Sa kanyang ipinalabas na memorandum, inatasan ni Moreno sina acting city health officer Dr. Arnold Pangan, Bureau of Permits OIC Levi Facundo at MPD Director Police Brig. General Leo Francisco na siyasatin ang napaulat na aktibidad.
Ayon kay Moreno, kinakailangang makapagsumite sa kanya ng report ang mga nabanggit na opisyal sa loob ng 48 oras.
Sinabi ni Moreno, malinaw na hindi awtorisado ang naturang vaccination activity dahil wala siyang ipinalalabas na utos hinggil dito lalo’t alam niyang wala pang ipinatutupad na katulad na aktibidad ang pamahalaan.
Maliban dito, wala pa rin aniyang inaaprubahang bakuna kontra COVID-19 ang national government na maaari nang gamitin sa Pilipinas.