Kagagawan ng lokal na terorista ang kambal na pagsabog sa Indanan, Sulu noong June 28.
Ipinabatid ito ni PNP Spokesman Coronel Bernard Banac dahil walang patunay na may kinalaman ang teroristang grupong ISIS sa nasabing kambal na pagsabog.
Kasabay nto, sa ginawang joint press conference ng PNP at AFP, kapwa tiniyak ng mga ito na walang dapat ikabahala ang publiko sa nangyaring pagsabog dahil isolated case lamang ito.
Gayunman, binigyang diin ng mga otoridad na mas pinalakas at pinaigting pa nila ang intelligence monitoring kontra mga terorista para hindi na maulit ang naturang pagsabog lalo na sa Metro Manila.
Ipinabatid pa ni Banac na sangkot sa pagsabog sa Jolo Cathedral at sa Indanan, Sulu ang Abu Sayyaf Group batay na rin sa resulta ng kanilang imbestigasyon sa insidente.
Pilipino ang isa sa dalawang suicide bomber sa kambal na pagsabog sa kampo ng militar sa Indanan, Sulu.
Ibinunyag ito ng PNP sa ginawang joint press conference ng AFP at PNP kung saan tugma ang DNA sample ng hinihinalang suicide bomber na si Normal Lasuca sa kaniyang ina na si Vilma Lasuca.
Nakasaad sa resulta ng DNA examination ang 99.99 percentage probability match sa nakuhang DNA sample sa umano’y suicide bomber at ni Vilma.
Samantala, ipinabatd ni Banac na hindi pa tiyak ang pagkakakilanlan at nationality ng isa pang suicide bomber dahil patuloy pa ang pagkuha ng DNA samples para rito.