Wala pang kumpirmasyon kung maituturing na suicide bombers ang dalawang bandido na nagpasabog sa IST BCT facility, isang kampo ng militar sa Indanan, sulu.
Ayon kay Major Arvin Encinas, spokesman ng Western Mindanao Command, inaalam pa sa imbestigasyon kung suicide attack ang nangyaring pagsabog o kung ang bomba ay ginamitan ng detonator na malayo sa kampo.
Sakaling suicide attack ang nangyari, ito na ang ikatlong suicide bombing na nangyari sa bansa kasunod ng checkpoint bombing sa Lamitan City, Basilan noong July 2018 at ang kambal na suicide bombing sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu noong Enero.
Sinabi ni Encinas na hinihintay rin nila ang resulta ng DNA test upang matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang hinihinalang suicide bombers at kung ano ang nasyonalidad ng mga ito.
Kasabay nito, inalmalhan ni Encinas ang mga pagpuna na nalusutan ang militar sa mismong kampo ng mga ito.
Kung tutuusin anya ay hindi nagawa ng mga bandido ang kanilang misyon na makapatay ng marami ang gagawing pagpapasabog.
“Yung nangyari sa Sulu, talagang pag approach pa lang nitong suspek na ito, nakitaan na po siya ng kahina-hinalang galaw at meron po siyang parang something na dala, nilapitan niya ito at ang ating mga kasaklab and then nakarating sa atin na meron pong explosions. Ngayon nung nagkaroon agad ng casualty, nagkaroon ng passes itong pangalawang suspek kaya napasok po. Siguro almost 5 to 10 meters away doon sa gate mismo dahil nga na open dahil sa lakas ng impact at nagkaroon nga ng opportunity itong pangalawang suspek kaya nakapasok na neutralized po ng ating mga kasamahan dahil naka posisyon na po sila.”— Major Arvin Encinas, spokesman ng WESMINCOM
(Ratsada Balita interview)