Nasa restrictive custody na ngayon ng Sulu Provincial Police Office ang siyam na pulis mula sa Jolo Municipal Police Station na sangkot sa nangyaring misencounter sa pagitan nila at ng militar sa Jolo, Sulu nitong Lunes.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesman P/BGen. Bernard Banac, aminado siyang nawalan ng koordinasyon sa panig ng mga sundalo hinggil sa ginawa nilang intellegence mission kaya’t humantong sa malagim na insidente ang pangyayari.
Kabilang sa mga pulis na nasangkot sa insidente ay sina P/Staff Sgt. Almudzrin Hadjaruddin; Pat. Alkajal Mandangan; Pat. Rajiv Putalan; P/Master Sgt. Abdelzhimar Padjiri; P/Master Sgt. Hanie Baddiri; P/Staff Sgt. Iskandar Susulan; P/Staff Sgt. Ernisar Sappal; P/Cpl. Sulki Andaki at Pat. Nur Pasani.
Sa hiwalay na pahayag naman, sinabi ni PNP Chief P/Gen. Archie Francisco Gamboa na nagkausap na sila ni Armed Forces of The Philippines Chief of Staff Gen. Filemon Santos Jr. hinggil sa insidente.
Tiniyak din ni Gamboa kay Santos ang buong pagsuporta at pakikipagtulungan ng PNP sa isasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sabay giit na isolated case ang nangyari.