Kinilala na ang pulis na nasugatan sa pananambang ng armadong grupo sa Patikul, Sulu kahapon.
Ayon kay Brig. Gen. Graciano Mijares, hepe ng police regional office ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, sugatan sa insidente sina Master Sgt. Al-nidzfar Eraji at si Patrolman Jordan Changlapon sa Barangay Kan-ague.
Aabot anya sa 10 hanggang 15 miyembro ng Abu Sayyaf ang naka-engkwentro ng mga pulis na nagsilbing escort lamang ng mga guro patungo sa Barangay Taung.
Agad dinala ng Joint Task Force Sulu sa Zamboanga City ang isa sa mga sugatang pulis at hiniling na rin ng PNP sa kanilang counterpart sa AFP ang tulong upang tugisin ang mga bandido.
Samantala, naniniwala naman si PNP Spokesman, Col. Bernard Banac na posibleng may kaugnayan ang insidente sa 2019 midterm elections sa Mayo 13 lalo’t hindi gusto ng mga bandido ang presensya ng mga pulis sa lugar.
(with report from Jaymark Dagala)