Walang magiging epekto sa mga aktibidad ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayon at sa mga susunod pang araw ang nangyaring pananambang sa PSG o Presidential Security Group sa Cotabato.
Ayon kay PSG Commander Brig. Gen. Lope Dagoy, kontrolado nila ang sitwasyon.
Paglilinaw pa ni Dagoy, apat lamang sa sampung PSG member ang nasugatan nang makasagupa ang mahigit isang daang NPA o New People’s Army.
Aniya, palitan ng duty ng mga nasabing PSG members at walang kinalaman sa mga nakatakdang aktibidad ng Pangulo.
Dagdag pa ni Dagoy, hindi nila agad ipinaalam kay Pangulong Duterte ang nangyari kaninang umaga dahil ayaw nilang maistorbo pa ito sa kaniyang pagpapahinga.
Ililipat naman ang mga sugatang PSG mula sa Cagayan de Oro patungong Davao City at posibleng doon na lamang dalawin ng Pangulo.
- Krista De Dios | Story from Aileen Taliping