Kulang pa ng 10 buwan ang pagkakakulong ni US Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton sa kaniyang selda sa Kampo Aguinaldo.
Ito ang lumabas sa isinagawang computation ng Bureau of Corrections (BuCor) makaraang hindi tumugma ang kanilang pagtaya sa ginawang computation naman ng Olongapo City Regional Trial Court.
Si Pemberton ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Pinay transgender woman na si Jeffrey alyas Jennifer Laude nuong 2014 na hinatulang guilty dahil sa kasong homicide.
Giit ng BuCor, hindi isinama ng korte ang isang taong pagkakakulong ni Pemberton bago ito hatulan nuong Disyembre 2015 kung saan, wala pa ito sa kanilang kostudiya
Ayon pa sa BuCor, tanging ang jailwarden lamang kung saan nakakulong si Pemberton ang maaaring magbigay sa kaniya ng credits sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Una nang inihayag ng Department of Justice (DOJ) na maghahain din sila ng motion for reconsideration sa korte upang mapigilan ang pagpapalaya kay Pemberton.