Hindi uubrang pasukuin o arestuhin ang halos 2,000 convicts sa karumal-dumal na krimen na nakalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Binigyang diin ito ni Cagayan De Oro Representative Rufus Rodriguez, co-author ng GCTA law dahil hindi puwedeng arestuhin ng walang awarrant ang mga nakalayang preso.
Magiging mahaba aniya ang proseso ng pagpapasuko at muling pagpapaaresto sa mga napalayang halos 2,000 preso.
Sinabi ni Rodriguez na sa ruling noon ng Korte Suprema hinggil sa maling pagcompute ng GCTA, ang legal na pamamaraan para muling mahuli ang preso na nakalaya dahil sa maling computation ng GCTA ay kailangang bumalik sa Korte ang prosecution para humingi muli ng arrest warrant.
Mali aniya ang interpretasyon ng Department of Justice (DOJ) na maaaring ipatupad ang warrantless arrest laban sa mga napalayang convict sa heinous crimes.
Bagamat totoong maaaring muling ipaaresto ang mga nakalaya, inihayag ni Rodriguez na dapat ay may warrant pa rin para madakip ang mga ito.
Nilinaw ni Rodriguez na madali naman itong magagawa ng DOJ dahil may piskal naman sa lahat ng panig ng bansa at maaaring maghain ng mosyon sa korte ang mga ito para humiling ng bagong arrest warrant.