Agad na kukuwestyunin ng Anti-Pork Barrel Scam Lawyer na si Atty. Levito Baligod ang napapaulat na pagpayag umano ng Sandiganbayan 5th division na pagpiyansahin para pansamantalang makalaya si dating Senador Jinggoy Estrada na akusado sa kasong plunder dahil sa Pork Barrel Scam.
Naniniwala si Baligod na malakas ang isinampa nilang reklamo laban kay Estrada at Napoles kaya hindi siya papayag na basta na lamang mapapapalaya si Estrada.
Sapat anya ang mga nalalaman ng mga testigo at dokumento para patunayan na nakinabang o tumanggap ang dating Senador ng pera mula sa kanyang PDAF allocation sa pamamagitan ng pagpapadaan ng pondo sa mga Non Government Organization na kunektado kay Janet Lim Napoles.
Mayo ng nakalipas na taon ay pinal na ring nagpasya ang dating komposisyon ng 5th Division na huwag katigan ang hirit na pyansa ni Estrada makaraan nitong ibasura ang inihaing Motion for Reconsideration ng dating Senador.
Gayunman, lumulutang na mayroon umanong draft resolution ang Sandiganbayan 5th division na binubuo ng mga bagong miyembro na sina Justices Rafael Lagos, Maria Theresa Mendoza-Arcega at Reynaldo Cruz na pawang mga appointee ni dating Pangulong Noynoy Aquino para pakawalan si Estrada sa pamamagitan ng pyansa.
By: Drew Nacino / Bert Mozo
Ulat na posibleng pagpiyansa ni dating Senator Estrada kukuwestyunin was last modified: July 18th, 2017 by DWIZ 882