Binuweltahan ni dating Special Action Force (SAF) Chief Getulio Napeñas ang Pangulong Benigno Aquino III sa muling paninisi sa kanya sa pagkamatay ng SAF 44 sa Mamasapano Maguindanao noong nakaraang taon.
Direkta nang itinuro ni Napeñas ang Pangulo na siyang nag-utos para ituloy ang Oplan Exodus.
Malabo aniya ang sinasabi nilang nagkulang siya ng koordinasyon kaya’t walang nakasaklolo agad sa SAF.
Malinaw naman aniya ang direktiba sa kanya nang mag-usap sila ng Pangulo kasama ang noo’y suspendidong si dating PNP Chief Allan Purisima na sila ang bahalang magsabi sa noo’y officer in charge ng PNP na si Leonardo Espina at kay AFP Chief of Staff General Gregorio Catapang.
“Ito ang conclusion, ako ba ang makikipag-coordinate doon sa AFP, diba dapat mas mataas sa akin? kasi wala akong personalidad, yung isang utos niya, dagdagan ng tao, Yes Sir sabi ko, kaya nagrekomenda ako na imbes na before nung visit ni Pope yung pagsagawa, after ng visit ni Pope dahil yung tropang idadagdag ay naka-deploy na sa Tacloban, nabasa ko yung mga exchanges ng text message ni Presidente at ni General Purisima, na inirekomenda din pala yan ni General Purisima, at merong text message na sagot ng Pangulo, Okay. Ano ang ibig sabihin nun, ultimately ang nagbigay pala ng final approval na igo-go yung Operation Exodus, Pangulo.” Pahayag ni Napeñas.
By Len Aguirre | Karambola