Mahigit 250,000 mga imprastraktura ang napaulat na napinsala dahil sa pananalasa ng bagyong Tisoy.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sakop nito ang mga lugar sa Regions 1, 3, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Eastern Visayas, Car at Caraga.
Nasa mahigit 55,000 kabahayan at 1 health facility din ang malubhang napinsala habang 710 na paaralan at 20 health facilities naman ang bahagyang napinsala.
117 na mga kalsada at tulay ang naapektuhan din ng bagyo kung saan, 22 sa mga ito ang hindi pa rin naman madaanan habang 196 ang patuloy pa ring lubog sa tubig baha.
Gayunman, sinabi ng NDRRMC na patuloy ang ginagawa nilang assessment hinggil sa kabuuang halaga ng pinsala sa sektor ng imprastraktura.
Habang papalo naman sa P2B ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura partikular na sa Regions 3, 4-a, 4-b, Bicol at Eastern Visayas Region.