Pinabulaanan ng National Power Corporation o NAPOCOR ang sinabi ni Bayan Muna Partylist Representative Neri Colmenares kaugnay ng aniya’y planong pagtaas ng singil sa kuryente ngayong magpa-Pasko para sa mga siniserbisyuhan ng small power utilities group nito.
Ang tinutukoy ni Colmenares ay ang proposal daw ng NAPOCOR na rate hike na mahigit sa P2 per kilowatt hour sa Luzon gayundin sa Visayas, habang mahigit sa P1 per kilowatt hour naman sa Mindanao.
Sinabi ni Ma. Gladys Cruz-Sta. Rita, Pangulo at CEO ng NAPOCOR na hindi totoo ang bintang ni Colmenares at sa totoo lamang aniya ay walang mangyayaring pagtaas sa presyo ng kuryente sa off-grid areas ngayong holiday season.
Kailangan pa muna kasi ng halos 1 taon bago aprubahan ang kanilang petisyon na magtaas alinsunod sa sinasabi ng Energy Regulatory Commission o ERC dahil kailangan pa aniya nitong dumaan sa public hearing bago i-endorso.
Ani Sta. Rita, sa nakalipas na 10 taon ay nananatili lamang ang power rates na kinokolekta ng NAPOCOR mula sa mga missionary areas nito.
Samantala, hinikayat ni Sta. Rita ang sinuman, kabilang na ang mga mambabatas na lumahok sa public hearing kaugnay ng kanilang petisyon.
By Allan Francisco