Nagtalaga si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ng officer in charge para sa iniwang pwesto ng yumaong National Police Commission (Napolcom) Vice Chairman at Executive Officer Na Si Atty. Rogelio Casurao.
Ayon kay Año, pansamantalang pamumunuan ni Napolcom Commissioner Felizardo Serapio ang pwesto ni Casurao hanggang sa may mapili nang permanenteng uupo rito si Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasabay ni Casurao si Serapio na naitalaga sa Napolcom noong 2016 na nakatutok sa sektor ng law enforcement.
Bago italaga sa Napolcom, nagsilbi muna si Serapio bilang undersecretary at pinuno ng law enforcement and security integration office sa ilalim ng executive secretary.
Naging pinuno rin si Serapio ng International Police (Interpol) nang magretiro ito sa PNP noong 2010 kung saan, pinamunuan nito ang Directorate for Integrated Police Operations (DIPO) Western Visayas, Regional Director ng Soccsksargen at director ng Special Action Force (SAF).