Nangangamba ang dating tagapagsalita ng Malakaniyang sa implikasyon ng paglalagay kay pork barrel scam Queen Janet Lim – Napoles sa Witness Protection Program(WPP).
Ayon kay Atty. Abigail Valte, tumatayong tagapagsalita ni dating Pangulong Noynoy Aquino, tila nakapagtataka ang paglalagay kay Napoles sa provisional coverage ng WPP.
Posible aniyang magturo si Napoles ng mga inosente para lamang makaligtas at maabsuwelto sa mga kinahaharap niyang kaso sa korte.
Binigyang diin pa ni Valte na nakatanggap sila ng ulat na nag-alok umano si Napoles pangalanan ang iba pang mga sangkot sa pork barrel fund scam na hindi pa nakasuhan.
Una rito, kinumpirma ni Senador Panfilo Lacson na hawak niya ang listahan ng umano’y lahat ng mga sangkot sa multi-bilyong pisong anomalya.
Ayon kay Lacson, mismong ang anak at asawa ni Napoles ang nagbigay sa kaniya ng naturang listahan nuon pang taong 2014.
Kasunod nito, sinabi ni Lacson na kumbinsido siyang pili lamang ang mga kinasuhan nuon hinggil sa PDAF Scam mula sa kabuuang mahigit isandaang Kongresista at walong Senador na nakinabang dito.