Humigit kumulang, sampung (10) pulis ng Ozamiz ang posibleng kasabwat ng pamilya Parojinog sa kanilang illegal drug operations.
Ito ang ginawang pagtaya ni Chief Inspector Jovie Espenido, Hepe ng Ozamiz PNP matapos maglatag ng P2 milyong pisong pabuya ang Pangulong Rodrigo Duterte para sa masasakoteng pulis na sangkot sa mga Parojinog.
Ayon kay Espenido, ilan sa mga natukoy nilang pulis ay nakapagretiro na sa puwesto subalit marami pa rin ang natitirang aktibo pa sa serbisyo.
Gayunman, aminado si Espenido na hindi nila puwedeng basta galawin ang mga pinaghihinalaang pulis dahil may proseso silang dapat sundin.
“Kilala ko dahil may mga record yun, ang pinakakilala ko sa kanila ay yung mga taga-region talaga dahil alam niyo naman galing tayo ng Region 8, nasa legal tayo at hindi sa sabi-sabi lang, kapag direct may mga komentaryo na naman, professional ang pulis ngayon, alam natin kung ano ang batas, pinoproteksyunan natin ang karapatan ng tao, alam naman natin na ang pulis hindi ganun kagarapal magtrabaho, mga gawain talaga sila na mga discreet.” Ani Espenido
Kasabay nito, tiniyak ni Espenido na mayroon pa rin silang mapapanagot sa natuklasang graveyard ng mga di umano’y biktima ng mga Parojinog kapag papatay na ang pinakalider na si Mayor Reynaldo Parojinog, Sr.
Ayon kay Espenido, isa isa nang lumalantad ngayon ang mga hitmen ng mga Parojinog kasunod ng pagkakabuwag sa kanilang sindikato at pagkakapatay sa kanilang lider.
“Hinintay natin ang pagkakataon kagaya ngayon ilang hitman nila ang lumantad, yun na mag-umpisa na tayo, kung sino ang sinabi ng hitman yun ang target natin, ang mangyari sino na lang ang kasamahan na nagsama o mga team leader ng grupo.” Pahayag ni Espenido
‘Will stay in Ozamiz’
Mas nanaisin ni Chief Inspector Jovie Espenido na manatili na muna sa Ozamiz PNP.
Tugon ito ni Espenido kasunod ng maraming panukala na ilipat siya sa mga lugar na kilalang talamak ang illegal drug trade at kung saan sangkot ang mga pulitiko tulad ng Iloilo City.
Ayon kay Espenido, nais muna nyang tapusin ang nasimulan nyang paglilinis sa Ozamiz City.
Si Espenido ay unang naging hepe ng Albuera Leyte PNP kung saan alkalde ang napatay na si Rolando Espinosa.
Kamakailan ay pinangunahan naman ni Espenido ang pagsalakay sa tahanan ni Ozamiz Mayor Reynaldo Parojinog kung saan napatay ang alkalde at 15 iba pa.
“Hindi pa tayo tapos, kung ako’y tanungin huwag na muna kasi sayang yung momentum ba, andiyan pa yung mga kasama ng mga Parojinog, hindi pa natin nasampahan ng kaso yung iba, tapusin lang muna sana, hindi pa natin nafa-filan ng formal charge yung iba, hindi ganun kadali.” Pahayag ni Espenido
By Len Aguirre | Ratsada Balita Interview