Tinatayang isanlibo limandaang (1,500) pamilya o mahigit 7,200 katao na ang nagsilikas dahil sa pag-ulan at pagbaha dulot ng bagyong Auring.
Ayon sa NDRRMC, pawang mga residente ng Regions 7, 11 at Caraga ang apektado.
Nasa 9,000 pasahero naman ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa central Visayas, western Visayas, eastern Visayas at northern Mindanao.
Bagaman isa na lamang Low Pressure Area, patuloy na nagdadala ng mga pag-ulan ang naturang sama ng panahon sa ilang bahagi ng Visayas, Mindanao at Palawan.
Huling namataan ng PAGASA ang LPA sa layong 195 kilometro, kanluran ng Dumaguete City, Negros Oriental.
Asahan na ang maulap na papawirin na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan sa Agusan del Norte, Surigao del Norte, Isla ng Siargao, Dinagat Province, Misamis Oriental at Camiguin gayundin sa nalalabing bahagi ng Mindanao bunsod ng hanging amihan.
Posible namang makaranas ng maulap na papawirin na may kasamang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat na maaaring magdulot ng flashfloods at landslides sa Bicol at eastern Visayas.
Maulap na papawirin din na may kasamang mahina hanggang katamtamang pag-ulan ang maaaring mararanasan sa MIMAROPA, CALABARZON at nalalabing bahagi ng Visayas.
Bahagyang maulap na papawirin na may kasamang kalat-kalat na mahinang pag-ulan ang inaasahan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.
By Drew Nacino