Halos 40 probisyon ng panukalang BBL o Bangsamoro Basic Law ang inamiyendahan at inalis na ng mga kongresista para lamang maipasa ang nasabing panukala.
Kinumpirma ni House Ad Hoc Committee on the Bangsamoro Chairman Rufus Rodriguez na ito na ang pinal na mga pagbabago sa panukala sa harap nang pagsalang nito sa plenaryo para sa period of amendments.
Sinabi ni Rodriguez na kabilang sa mga inamiyendahan ang mismong titulo ng panukala mula sa dating Bangsamoro Basic Law tungo sa Basic Law for the Bangsamoro Autonomous Region para alisin ang anumang indikasyon na magkakaroon ng substate sa Mindanao.
Tuluyan na ring inalis ang lahat ng may kaugnayan sa opt in provision para mawala na ang pangamba sa territorial expansion mula sa orihinal na mga lugar na sakop ng Bangsamoro.
Inalis na rin ang mga probisyon para sa pagtatatag ng Bangsamoro Command at Bangsamoro Police para maging malinaw na ang mga sundalo at pulis sa bubuuing entity ay nasa ilalim pa rin ng AFP at PNP.
Tinanggal na rin ang probisyon sa pagtatatag ng sariling Commission on Audit, Civil Service Commission, COMELEC at Ombudsman sa Bangsamoro.
By Judith Larino