Tinatayang 500 pamilya ang nawalan ng bahay matapos sumiklab ang sunog sa residential area sa likod ng Central Market sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon.
Dakong ala-1:00 ng hapon nang magsimulang kumalat ang apoy sa isa sa mga bahay sa Fogoso Street at matapos ang kalahating oras ay umabot sa ika-limang alarma.
Bukod sa mga residente, ilang pasyente rin ng kalapit na Fabella Hospital ang nagsilikas.
24 na firetruck naman at dalawang ambulansya ang rumesponde.
Ayon kay Fire Senior Supt. Crosbee Gumowang, director ng Bureau of Fire Protection-NCR District 1, pasado alas-3:00 naman ng hapon nang tuluyang maapula ang apoy.
Inaalam na anya ang sanhi ng sunog at halaga ng mga natupok o napinsalang mga ari-arian.