Halos 5,000 pulis ang nakatakdang lumahok ngayong araw sa local absentee voting para sa May 13 midterm elections.
Mahigpit ang tagubilin ni Philippine National Police Chief, Gen. Oscar Albayalde sa mga pulis na boboto at magsisilbi sa halalan na bawal ang pagdadala ng baril at hindi dapat naka-uniporme pagpunta sa mga polling center.
Mula sa halos 5,000, mahigit 160 pulis ang magtutungo sa Camp Crame sa Quezon City upang bumoto simula alas 8:00 ng umaga hanggang ala 5:00 ng hapon habang ang iba ay boboto sa mga lugar kung saan sila naka-deploy.
Hinimok naman ni Albayalde ang lahat ng 190,000 PNP personnel na lumahok sa halalan at gampanan ang kanilang tungkulin sa bayan na pumili ng mga leader ng bansa.
Mga pulis sa Metro Manila, hinimok na samantalahin ang pagkakataong makaboto
Hinimok ng National Capital Region Police Office o NCRPO ang kanilang mga tauhan na samantalahin ang pagkakataon upang makaboto nang maaga.
Ito ang inihayag ni NCRPO Chief, Maj. Gen. Guillermo Eleazar sa pagsisimula ng local absentee voting ng COMELEC ngayong araw.
Aminado si Eleazar na marami sa mga pulis ang hindi na bumoto dahil sa layo ng lugar ng kanilang rehistro at bilang pagtupad na sa kanilang mandato na tiyaking ligtas at mapayapa ang halalan.
Kailangan anya ng bayan ang pagkakaroon ng mga pinunong may dalisay na pagnanais na magsilbi sa mga mamamayan kaya’t dapat makiisa ang PNP sa eleksyon bilang bahagi ng isang sibilisadong bansa.
(with report from Jaymark Dagala)