Inaasahang hanggang kalahating milyon ang magtutungo sa Manila South Cemetery para bisitahin ang kanilang mga namayaang kaanak hanggang sa November 1.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni Engineer Maribel Bueza, Director ng Manila South Cemetery bagamat marami na ang nagtungo sa nasabing libingan nitong nakalipas na weekend.
Sinabi ni Bueza na mahigpit na ang seguridad na pinaiiral nila lalo na bukas, October 31 at sa Miyerkules, November 1 samantalang hanggang kahapon lamang nila pinapayagan ang paglilinis at pagpi-pintura ng mga puntod sa kanilang libingan gayundin ang pagpasok ng mga sasakyan dito.
“Marami-rami na rin po ang pumunta noong nakaraang weekend, pero inaasahan natin ang dagsa talaga ng tao ng October 31 at November 1, last day po natin kahapon ng paglilinis ng puntod, pagpipintura, pagpasok ng sasakyan at paglilibing, ngayon po ay bawal kasi binibigyang daan na natin ang ating mga kababayan na bumibisita sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.” Pahayag ni Bueza
Samantala, nagsimula na ring magdagsaan ang mga bumibisita sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay sa Eternal Gardens sa Baesa, Novaliches, dalawang araw bago ang paggunita sa Araw ng mga Patay.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni Joey Rivera, Vice President for Sales and Marketing ng Eternal Gardens, kaya’t mahigpit aniya ang ipinatutupad nilang seguridad sa loob at labas ng nasabing memorial park.
Tiniyak ni Rivera ang kaligtasan ng mga bumibisita sa kanilang mga namayapang kaanak hindi lamang sa Eternal Gardens Baesa kundi maging sa iba pang sangay nito sa Dagupan, Pangasinan, Cabanatuan, Nueva Ecija, Biñan at Sta. Rosa sa Laguna, Batangas City at Lipa sa lalawigan ng Batangas.
(Ratsada Balita Interview)