Posibleng ang mga dayuhang terorista na ngayon ang namumuno sa mga natitira pang Maute-ISIS sa Marawi City matapos mapatay sina Omar Maute at Isnilon Hapilon.
Ayon kay Col. Romeo Brawner, Deputy Commander ng Task Force Ranao, sa kanilang pagtaya ay nasa walong (8) dayuhang terorista pa ang natitira sa Marawi na posibleng nag-take over na kina Maute at Hapilon.
Kabilang sa mga ito si Mahmud Ahmad, isang Malaysian national na nagsilbi umanong tulay upang magkaroon ng alyansa ang Maute sa ISIS.
Maliban kay Mahmud, may mga terorista rin umanong nagmula sa Indonesia, Singapore at Middle East.
Sinabi ni Brawner na mayroon pang 18 hanggang 20 hostages ang kailangan nilang iligtas.
Sa kabila nito, minaliit lamang ni Armed Forces of the Philippines o AFP Chief of Staff Eduardo Año ang presensya ng iba pang dayuhang terorista sa Marawi City tulad ni Mahmud.
Tiniyak ni Año na mababawi nila ng tuluyan ang Marawi sa kamay ng mga terorista sa lalong madaling panahon.
“We believe na nasa main battle area pa siya, pero hindi naman kahit kailan naging leader itong si Mahmud, siya yung sinasabing adviser at conduit between the ISIS in Middle East and local group here in the Philippines, siya yung nag-facilitate nung pagdadala ng pondo at revenue, nagsisilbing link ng ibang foreigners na gustong pumasok dito sa Pilipinas, without Isnilon Hapilon and Omar Maute and the about 800 members have been neutralized, he is nothing, anytime makukuha natin yan.” Pahayag ni Año
—-