Mula sa dating 6, umakyat na sa 9 ang bilang ng nasa listahan ng election watch areas ng Philippine National Police (PNP).
Ang mga nadagdag ay kinabibilangan ng mga lalawigan ng Abra, Nueva Ecija, at Lanao del Norte.
Sa pulong balitaan sa Kampo Krame, ipinaliwanag ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez, inilagay nila sa kanilang watchlist ang mga naturang lugar dahil sa mainit na tunggalian ng mga pulitiko roon.
Magdaragdag ng pwersa ang PNP sa mga nasabing lalawigan at itatalaga ang mga senior commander doon para panatalihin ang kaayusan hanggang sa araw ng halalan.
Una nang nailagay sa election watchlist ng PNP ang mga probinsya ng Negros Oriental, Lanao del Sur, Pangasinan, Masbate, Western Samar, at Maguindanao.
By Jelbert Perdez | Jonathan Andal