Mariing kinondena ng Philippine National Police (PNP) ang nangyaring pagsabog ng isang yunit ng Mindanao Star bus sa Upper San Mateo, Aleosan, Cotabato kahapon.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, malinaw ang indiksyong pag-atake ng terorista ang nangyari kaya’t puspusan na aniya ang ginagawa nilang imbestigasyon.
Hindi nila tatantanan ang kaso hangga’t hindi nalalaglag sa kamay ng batas ang aniya’y walang pusong nasa likod ng insidente.
Magugunitang patay ang isang 5 taong gulang na bata habang 6 ang nasugatan kabilang na ang 5 buwang sanggol matapos ang insidente.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na isang lalaki ang nag-iwan ng bitbit niyang bagahe sa bus nang sumakay ito sa Kabacan at kalauna’y bumaba naman sa bayan ng Pikit. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)