Kinumpirma ni Philippine National Police chief Rodolfo Azurin Jr. na mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang mga suspek sa pananambang sa chief of police ng Ampatuan, Maguindanao.
Sinabi ni Azurin na ang mga BIFF ay nasa ilalim ng grupo ni commander Boy Jacket at Abdulnasser Guianid.
Umaasa naman siyang makikipagtulungan ang MILF sa paghuli sa mga suspek at tutugon sa panawagan niyang isuko na ng mga ito ang miyembro nilang may warrant of arrest.
Nabatid na maghahain lang sana ng warrant of arrest ang hepe ng Ampatuan police na si police lieutenant Reynaldo Samson at mga kasamahan nito nang pagbabarilin ang police patrol na sinasakyan nila.
Maliban sa kanya, nasawi rin sa pananambang si police corporal Salipuden Endab habang nasugatan naman sina police corporal Rogelio Dela Cuesta Jr. at police corporal Marc Clint Dayaday.—mula sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)