Tinatayang 2.75 milyong pisong halaga ng hinihinalang iligal na droga ang nasamsam ng mga awtoridad mula sa dalawang babaeng umano’y tulak sa ikinasang drug bust operation sa Brgy. San Isidro, Cainta, Rizal.
Ayon kay CALABARZON Police Regional Director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, sina Laika Camille San Pedro at Maria Cecilia Baylon, ay natimbog ng pinagsanib na puwersa ng Regional Drug Enforcement Unit, Cainta Police-Special Drug Enforcement Team at Philippine Drug Enforcement Agency-Region 4A.
Nasabat sa operasyon ang 250 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na 1.25 million pesos, marked money at isang kilo ng imported marijuana na mas kilala bilang ‘kush’ na nagkakahalaga ng 1.5 million pesos.
Nagpanggap na buyer ang isang pulis at nang magkaabutan na ng pera at droga, doon na hinuli sina San Pedro at Baylon at nakuha ang droga na nakasilid sa isang ecobag.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act.