Nasabat ng Bureau of Customs o BOC ang nasa 3.7 milyong pisong halaga ng mga ipinuslit na mga bakal mula China sa Port of Manila.
Ayon kay BOC Intelligence Group Deputy Commissioner Raniel Ramiro, mali ang deklarasyon ng nabanggit na kargamento na nakapangalan sa Chinese company na Liuzhiga International.
Sinabi ni Ramiro, dumating sa Pilipinas noong October 19 ang nabanggit na shipment kung saan idineklara ito bilang mga flat bars at steel sheets.
Gayunman, nang isailalim na ito sa inspeksyon matapos makatanggap ng report ang intelligence group ng BOC, natuklasang mga stainless angle bars ang laman ng dalawang container na kargamento.
Kasunod nito, napalabas na ng alert order at warrant of seizure and detention ang BOC laban sa mga nabanggit na kargamento habang iniimbestigahan na ang consignee nito.