Sinagot ni Vice President Leni Robredo ang isang tweet na tila naghahanap sa kaniya ngayong nananalasa ang Bagyong Vicky sa bahagi ng Visayas at Mindanao.
Sa tweet na may #NasaanAngBisePresidente?, sinabi ni Robredo na kasalukuyan siyang nakikipag-ugnayan sa mga lugar na apektado ng pagbaha dulot ng bagyo.
Kahalintulad iyon ng nag-viral na hashtag nasaan ang pangulo na naghahanap naman kay Pangulong Rodrigo Duterte nuong mga panahong nanalasa sa bansa ang mga Bagyong Pepito, Quinta, Rolly, Siony, Tonyo at Ulysses.
Magugunitang nag-trending din sa Twitter ang panawagan ng mga residente sa Agusan Del Sur makaraang salantain sila ng pagbaha dahil sa walang tigil na pag-ulan dulot ng Bagyong Vicky.
Bilang tugon, nanawagan si Robredo sa mga netizen at sa publiko na ipagdasal ang mga kababayan sa Agusan Del Sur at Surigao Del Sur na binabaha ngayon dahil sa bagyo.