Inaalam na ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA kung saan nagmula ang nasabat na 4.3 bilyong pisong halaga ng shabu Manila International Container Port sa Tondo.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, bagama’t nakalagay sa impormasyon ng container van na galing itong Malaysia, kanilang pinaniniwalaan na nagsilbi lamang transhipment point ang nasabing bansa.
Sinabi ni Aquino, posibleng galing China ang kontrabando at istilo aniya ng sindikato na idaan ang mga ito sa isang bansa na hindi gaanong kaduda-duda tulad ng Malaysia.
“Ang unang pumasok sa utak ko ay China, kung ipinasok through sea port ang isang container van na hindi naman authorized eh i-re-red flag automatic ng Bureau of Customs ‘yan so kapag na-red flag talagang ang laki ng risk, so idadaan muna nila sa ibang bansa na sa tingin nila ay hindi kaduda-duda at hindi masyadong nai-involve sa iligal na droga upang hindi ma-red flag.” Ani Aquino
Dagdag ni Aquino, pitong taon na nilang sinusubaybayan ang isang malaking sindikato na posibleng nasa likod ng pagpupuslit ng nasabing kontrabando sa bansa.
Hindi rin nila isinasantabi ang posibilidad na meron nang naunang naipasok na mas malalaki pang shipment ng shabu sa bansa ang nasabing sindikato.
“Pitong taon na nating tina-track ang grupong ito, ganito ang kanilang modus magpapapasok ng tone-toneladang iligal na droga, medyo madulas talaga ang grupong ito, in fact ngayon lang natin nasabat itong kanilang item, duda kami na may malalaki pang nakapasok sa ating bansa na hindi natin nakuha, pero eventually we will dig deeper, we will conduct back tracking investigation, makikipag-ugnayan tayo sa ibang ahensya, eventually mahuhuli natin itong grupong ito.” Pahayag ni Aquino
(Ratsada Balita Interview)