Hinimok ng local government ng Marawi City ang national government na ibalik sa tunay na may-ari ang nasa 52.2 million pesos na cash na nasamsam ng mga sundalo sa kasagsagan ng digmaan noong 2017.
Ipinasa ng lungsod ang isang resolusyon na naghihikayat sa national government sa pamamagitan ng Anti Money Laundering Council (AMLC) na ibalik ang nasabing halaga.
Ayon sa Marawi City LGU, ang nakumpiskang pera ay ligal na pagmamay-ari ng mag-asawang sina Hadji Ibrahim Ali at Nafaridah Ali, maging ng kanilang mga kaanak.
Noong bawiin ng pamahalaan ang lungsod mula sa Daulah Islamiyah, isang grupo ng terorista ang hinabol ng militar at sapilitang nagtago sa bahay ng mga ali, kung saan nadatnan ang nakakalat na pera.
Ang naturang halaga ay idineposito naman sa Bangko Sentral ng Pilipinas-Cagayan De Oro.
Magugunitang nagdesisyon ang AMLC na kumpiskahin ang pera sa hinalang nagamit ito upang suportahan ang mga teroristang grupo.