Ibinunyag ng Malakaniyang na dalawang taong naipon ang nasamsam na milyun-milyong Pisong halaga ng salapi sa tahanan ni Casamar Maute kahapon.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, batay nakuha nilang impormasyon mula sa mga awtoridad, sinasabing naipon ang halos 80 Milyong Pisong halaga ng salapi at tseke mula 2014 hanggang 2016.
Gayunman, sinabi ni Abella na patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad kung saan nagmula ang nasamsam na mga salapi na nakuha sa abandonadong bahay na pinagkukutaan at naging vantage point ng mga terorista.
Sa ngayon, sinabi ni Abella na hawak na ng Joint Task Force Marawi ang naturang halaga ng mga salapi para sa safe keeping habang isinasailalim sa interogasyon ang ama ng magkapatid na Omar at Abdullah Maute.
By: Jaymark Dagala / Aileen Taliping