Umakyat na sa anim na pu’t tatlo (63) ang kabuuang ng mga nasawi sa pananalasa ng bagyong Odette sa Bohol.
Sa isang post sa Facebook ni Gov. Art Yap, binanggit na pinakamarami ang namatay sa bayan ng Ubay na pumalo sa labindalawa (12) habang tigli-lima naman sa President C.P. Garcia at Loon na sinundan ng Inabanga, Catigbian, Buenavista, Tubigon, Alicia, Antequera, Maribojoc, Butuan, Getafe, at iba pang lugar.
Sinabi ni Yap na ‘verified’ ng Department of Health o DOH at lokal na pamahalaan ang inilabas nilang partial data hanggang kaninang alas-dose ng tanghali.
Kasabay nito, sinabi rin ng gobernador na nangangailangan sila ng tinatayang tatlong daang generator sets para paganahin ang mga water refilling stations sa mga bayan at lungsod sa kanilang probinsya.
Samantala, sa panayam naman ng programang BRGY. 882 sa DWIZ, sinabi ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal na kasalukuyan pa nilang bineberipika sa mga lokal nilang tanggapan ang datos mula sa pamahalaang panlalawigan ng Bohol.