Pumapalo na sa isandaan at tatlumpu’t siyam (139) ang naitala ng Department of Health (DOH) na nasawi dahil sa HIV-AIDS sa unang apat na buwan ng taong ito.
Ipinabatid ng DOH na sa nakalipas na buwan lamang ng Abril, nasa animnapu’t anim (66) na ang namatay dahil sa HIV-AIDS na pawang mga lalaki.
Ayon pa sa DOH, nasa tatlong libo pitong daan at tatlumpung bagong kaso ng HIV ang naitala mula Enero hanggang Abril.
Tatlong libo limandaan at limampu’t tatlo (3,553) rito ay lalaki at nasa isandaan at pitumpu’t pito (177) naman ang babae.
Nakasaad din sa datos na tatlumput dalawang porsyento ng mga bagong kaso ng HIV-AIDS ay mula sa Metro Manila, labimpitong (17) porsyento sa Calabarzon at sampung (10) porsyento sa Central Luzon, siyam na porsyento sa Central Visayas at pitong porsyento sa Region 11.
Ang mga nasawi ay may edad labinglima (15) hanggang tatlumpu’t kuwatro (34) at malaking porsyento rito ay mga lalaki na nagkaroon ng HIV-AIDS dahil sa pakikipagtalik sa kapwa lalaki.