Lasing at nakalimutang uminom ng maintenance medicine ang 51-anyos na dating jail officer na binawian ng buhay dahil sa atake sa puso makaraang lumahok sa traslacion ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila.
Ayon kay Manila Disaster Risk Reduction and Management Office Johnny Yu, inamin ng kasama ni Senior Jail Officer 4 Ramil Dela Cruz na kapwa sila lango sa alak.
Dakong 12:30 aniya ng hatinggabi nang matapos lumahok sa prusisyon, nagtungo si Dela Cruz sa bahay ng kaibigan nito sa Hidalgo Street upang makipag-inuman.
Nanakit ang dibidib at tiyan ng jail officer dahilan upang isugod ito sa pinaka-malapit na first aid station kung saan kanyang inamin na dalawang (2) araw na siyang hindi naka-iinom ng maintenance medicine para sa hypertension.
Makalipas ang ilang sandali ay nangisay ang biktima kaya’t isinugod ito sa Jose Reyes Memorial Medical Center ngunit binawian din ng buhay pagdating sa ospital dakong 2:00 ng madaling araw.
Samantala, nagpaabot na ng pakikiramay ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pamilya ni Dela Cruz.