Nanawagan ang National Association of Electricity Consumers (NASECORE) sa Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. na atasan ang Energy Regulatory Commission (ERC) na resolbahin ang isyu kaugnay ng electricity rates ng mga supplier ng kuryente ng Manila Electric Company (MERALCO).
Sa kanyang sulat sa Pangulong Marcos, kinastigo rin ng NASECORE ang pagbasura ng ERC sa joint power rate hike petition ng MERALCO at ng power unit ng San Miguel Corporation.
Ayon kay NASECORE President Pete Ilagan, ang supplier ng MERALCO na South Premiere Power Corporation at San Miguel Energy Corporation ay naghain sa ERC ng joint motions para sa isang price adjustment noong May 2022 para itaas ang generation rate sa P5.41 per kilowatt hour mula sa P4.045 per kilowatt hour o karagdagan na P1.36 per kilowatt hour.
Katwiran umano ng ERC, may non-escalation clause o pagbabawal sa South Premiere at SMC Energy magtaas ng kanilang singil sa kanilang unang joint application na tinanggap ng ERC noon pang 2019.
Sinabi naman ni ilagan na tuloy-tuloy pa rin ang pagtaas ng rates ng iba pang mga supplier ng MERCALCO dahil hindi naman napipigilan ang mga ito ng non-escalation clause kumpara sa South Premiere at SMC Energy
Dahil sa sinasabing double standard o hindi patas na patakaran ng ERC, umaapela ang NASECORE kay PBBM na panghimasukan na ang usapin para sa kapakanan ng mga Filipino consumers. —sa ulat ni Aya Yupangco (Patrol 5)