Umabot na sa P4.4 Billion ang nakolektang tax ng Bureau of Internal Revenue mula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa unang walong buwan ng taon o simula Enero hanggang Agosto.
Ito ang inihayag ng BIR sa pagdinig sa Senate Ways and Means Committee hinggil sa POGO, kahapon.
Ayon kay BIR director, Atty. Sixto Dy Jr., nalampasan ng revenue ngayong taon ang nakolekta ng ahensya na P3.91 billion noong 2021.
Magugunitang bumaba noong nasabing panahon ang nakolektang buwis sa kabila na ipinasang Republic Act 11590 o POGO Law ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, hindi na nagbalikan ang POGO entities sa Pilipinas at hindi naabot ang pre-pandemic level na bilang ng mga dayuhang POGO worker na kalauna’y nabawasan.
Sa iprinesentang datos ng ahensya sa Senado, mayroon na umanong 163 POGO entities sa bansa sa nitong Hunyo 2022 na binubuo ng 35 licensees at 130 service providers.
Samantala, mayroon namang 34,245 POGO industry workers kung saan 17,509 ang dayuhan at 16,736 ang Pilipino.