Niyanig ng magnitude 6.3 na lindol ang Batangas kaninang ala-1:28 ng hapon.
Ayon kay Toto Bacolcol ng PHIVOLCS o Philippine Institute of Volcanology and Seismology, natukoy ang sentro ng lindol sa layong 16 na kilometro Timog Kanluran ng bayan ng Nasugbu.
Tectonic ang pinagmulan ng pagyanig at may lalim na 160 kilometro.
Sa lakas ng pagyanig, naramdaman ang intensity 4 sa Calapan sa Mindoro; Subic, Zambales; Rosario, Cavite; Lungsod ng Maynila at Sablayan sa Occidental Mindoro.
Intensity 3 naman sa Pateros, Quezon City, Makati City, Malolos, Bulacan; Cainta, Rizal at Calamba sa Laguna.
Intensity 2 naman sa Magalang, Pampanga at Tanauan City sa Batangas habang intensity 1 naman ang naramdaman sa Talisay, Batangas.
Wala namang inaasahang tsunami at pinsala ang PHIVOLCS sa naturang lindol.
Ilang paaralan sa Metro Manila nagkansela ng klase dahil sa lindol
Nagkansela ng panghapong klase ang ilang mga paaralan sa Metro Manila at kalapit na lalawigan kasunod ng pagtama ng magnitude 6.3 na lindol sa Batangas.
Nagsuspinde ng klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Olongapo City at Dasmariñas City.
Gayundin, nagkansela ng klase sa lahat ng campuses ng De La Salle University; Philippine Women’s University Manila; Far Eastern University Manila at Makati campuses; University of the East Manila at Caloocan Campuses maliban sa College of Law; Manila Tytana Colleges; Lyceum of the Philippines University Batangas; at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.
By Ralph Obina / Krista De Dios