Nagpaliwanag ang AFP o Armed Forces of the Philippines kung bakit natagalan ang pagkumpirma nila makaraang mapaulat na pinugutan na ang German national na si Juergen Kantner na bihag ng Abu Sayyaf Group.
Sa panayam ng programang “Ratsada Balita”, sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na mayroon silang tatlong bagay na pinagbabatayan bago kumpirmahin ang lumabas na balita.
Kagabi lang aniya sila nakakuha ng impormasyon mula sa Western Mindanao Command hinggil sa ginawang pagpatay ng mga bandido kay Kantner.
“Ang una diyan ay syempre ang labi ng biktima at yan ang sinikap naming gawin, at pangalawa anumang parte ng katawan na puwedeng gamitin for DNA testing, pangatlo, isang reliable eye witness sa ground na walang kaduda-duda ay maaari naming pagkatiwalaan.” Ani Padilla
Ipinabatid ni Padilla na tuloy ang operasyon ng militar upang masagip ang natitirang dalawampu’t anim (26) na hostage ng Abu Sayyaf.
“Hindi man tayo nagtagumpay sa pagkuha sa kanya ay patuloy po ang ating operasyon dahil may natitira pang mga 26 na kidnap victims na nasa kamay pa rin ng grupong ito.” Dagdag ni Padilla
Nanindigan din ang opisyal sa ipinapatupad ng pamahalaan na ‘no ransom policy’ sa kadahilanang mamo-motivate ang mga rebelde na ipagpatuloy ang kanilang kidnapping activities.
Binigyang-diin pa ni Padilla na kung magbabayad ng ransom sa Abu Sayyaf, tiyak na lalakas ang puwersa ng mga ito at mistulang nagiging cottage industry na ang gawaing ito.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni AFP Spokesman Brig. General Restituto Padilla
By Meann Tanbio | Ratsada Balita (Interview)