Walang lugar ang pananakot sa mga mamamahayag sa isang demokratikong bansa.
Binigyang – diin ito ng Justice Reporters Organization o JUROR kaugnay sa ‘death threat’ na natanggap ng miyembro nitong si Jomar Canlas, Senior Reporter ng pahayagang The Manila Times.
Kasunod ito ng pagsalang ni Canlas sa pagdinig ng Kamara sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Kinundena ng JUROR ang pagbabanta sa buhay ni Canlas na hindi dapat maging target ng mga pag – atake at panggigipit dahil ang mga mamamahayag ay gumaganap lamang ng kanilang tungkulin na maglahad ng mga balita at tiyaking naipapabatid sa publiko ang mga bagay na may kinalaman sa pagpapatakbo ng gobyerno.
Nanindigan ang grupo na sa kabila ng mga panggigipit, hindi nila tatalikuran ang kanilang tungkulin na magbalita ng katotohanan dahil ito ay itinuturing nilang social contract sa taumbayan.