Pumapalo na sa 50,000 reklamo ang natatanggap ng Energy Regulatory Commission (ERC) kaugnay sa anila’y hindi makatuwirang pagtaas ng kanilang electric bill.
Ipinabatid ito ni ERC Executive Director Floresinda Baldo-Digal sa ginawang pagdinig ng house committee on good government and public accountability, kaya naman nagpalabas na sila ng show-cause orders para makapagliwanag ang mga distribution utility firms na posibleng lumabag sa mga regulasyon.
Magugunitang nasa hot water ang Meralco at iba pang power utility firms sa nakalipas na buwan dahil sa umano’y lapses sa billing statements sa kasagsagan ng lockdown sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa kung kailan ibinase lamang sa estimate o pagtaya ang gamit sa kuryente sa halip na actual meter readings.
Binigyang diin naman ni Meralco Vice President at Customer Retail Services Head Victor Genuino na nagsagawa na sila ng actual meter reading para sa 99% ng kanilang customers sa buwan ng Hunyo.