Namayapa na ang tanyag na iskultor at national artist na si Napoleon Abueva sa edad na walumpu’t walo.
Ayon sa anak ni Abueva na si Amihan, pumanaw ang kaniyang ama sa NKTI o National Kidney Transplant Institute sanhi ng pakikibaka nito sa Pneumonia.
Kilalang anak ng Bohol, natanggap ni Abueva ang naturang pagkilala sa edad na apatnapu’t anim at itinanghal siyang pinakabatang nakatanggap nito.
Ilalagak ang labi ni Abueva sa Delaney Hall ng University of the Philippines Chapel ganap na alas-siyete mamayang gabi.
Kasunod nito, nagpahayag naman ng pakikiramay sa pamilya Abueva ang Malacañang sa pagpanaw ng tinaguriang “Father of Philippine Sculpture.”
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi matatawaran ang ambag ni Abueva sa larangan ng sining na nagbigay daan para makilala ang talento ng Pinoy sa iba’t ibang aspeto ng sining.