Ginugunita ngayong araw ang ikatlong taon ng Mamasapano massacre kung saan nasawi ang 44 na Special Action Force o SAF commandos.
Alinsunod ito sa inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte na Proclamation Number 165 na nagdedeklara ng National Day of Remembrance tuwing Enero 25, bilang pag-alala sa kabayanihan ng mga nasawing SAF commandos.
Ayon kay Pangulong Duterte, ang kabayanihan ng mga SAF commandos ay magpapaalala sa mga sakripisyo ng mga men and women in uniform para matiyak ang seguridad ng bansa.
Samantala, inaasahan ang ilang mga aktibidad na gaganapin sa pangunguna ng lokal na pamahalaan ng Maguindanao kabilang ang pag-aalay ng panalangin sa mga biktima ng Mamasapano massacre.
Kasabay nito hinikayat ni Presidential Communications Office Secretary Martin Andanar ang publiko na makiisa sa pag-alaala sa SAF 44.
Ayon kay Andanar, umaasa siyang makakamit na ng pamilya ng mga nasawing SAF commandos ang hustisya at mapanagot ang mga nasa likod ng insidente.
Matatandaang, taong 2015 nang masawi ang 44 na SAF commandos sa kanilang operasyon na tinaguriang Oplan Exodus laban sa Malaysian terrorist at bomb maker na si Zulkifli Abdhir alyas Marwan.
—-